Ang tagumpay ng isang kooperatiba ay hangarin ng pamunuan at mga kasapi nito. Ngunit bago makamit ang mithiing ito, kadalasan ay dumadaan ang mga opisyales ng paghihirap, pagsisikap, matinding pagsubok at maraming sakripisyo. Ang mga ito ay dinanas at pinagdaanan ng pamunuan ng Gardenia Kapit-bisig Multi-purpose and Transport Service Cooperative. Nagsimula ang negosyo ng kooperatiba nang maitatag at mairehistro ito ng inyong lingkod, kasama ang 20 cooperators mula sa Bacoor at Imus, Cavite noong ika-23 ng Oktubre 2001 na ang adhikain ay upang matugunan ang panglipunan at pang-ekonomiyang pangangailangan ng mga kasapi at ang pamayanan. Kaakibat dito ang paglunsad ng mga serbisyo o produktong ipinahihintulot ng batas (R.A. 9520) at Alituntuning Pang-loob (By-laws) ng Kooperatiba, na naglalayong mabawasan ang kahirapan sa ating bayan. Sa maliit na puhunang P35,500, ang unang serbisyo ng kooperatiba ay pautang o lending services. Pagkalipas ng isang buwan naitatag natin ang Kapit-Bisig Consumer Store ngunit ito ay isinara upang magbigay daan sa office expansion. Noong May 15, 2002, itinayo ang 2-palapag na gusali sa harap ng orihinal na bahay at itinatag ang Gardenia Springs Purified Water Refilling Station at ngayon ay in-upgrade na natin at idinagdag ang LEVELUK SD 501, isang medically certified Japanese Water Technology na nagpo-produce ng Kangen Alkaline at Ionized Water at 4 na iba pang klase ng tubig. Noong ika-21 ng Septiyembre 2003, inaprubahan ng LTFRB ang una sa 10 prangkisa ng pampublikong sasakyan ng kooperatiba. Dito nagsimulang umangat ang kita ng kooperatiba at mga kasaping operators at drivers. Dumami na ang ating mga sasakyan at umabot na ng 400 units. Simula pa lamang nang tayo ay unang magprangkisa, nangarap na tayo na magkaroon ng isang gasoline station. Ito ay natupad at nagkatotoo sa awa at tulong ng Dios at isang opisyal natin na nag-akay sa mga Project Development Team ng kooperatiba sa Caltex Philippines at kung hindi ay napahamak na tayo sa kamay ng mga hustler, manggagantso o scamero. Dahil dito, nabili natin ang Caltex Gasoline Station sa Molino Road, Bacoor City. Nagsimula tayo noong August 1, 2016 sa P30,000 benta sa isang araw at sa pakipagtulungan ng mga kasaping drivers/operators at mga kasapi, ngayon ay nag average na ng P220,000 araw-araw. Disyembre 1, 2017 binuksan natin ang Las Pinas City Office at kailan lang, ang Makati Office opening sa pagsisikap ni Ms. Juvy R. Herrera, Cooperative Marketing Consultant. Accredited na rin ng DOT ang Gardenia Travel and Tours, isang on-line airline ticketing para sa international at lokal na mga pasahero. Nailabas na rin natin ngayon ang 30 units ng Metered Airport Yellow Taxi na lahat ay pagmamay-ari ng kooperatiba. Inaayos na natin ang mga requirements para sa kaukulang prangkisa. Inilunsad natin ang Tourist Transport Services kung saan bumili ang kooperatiba ng 3 Toyota Grandia GL at on process na rin ang prangkisa ng mga . ito kasama ang 13 iba pang mga bagong vans na pagmamay-ari ng mga kasapi. Patuloy ang pagprangkisa natin sa mga Tourist Vans at ikinakasa na rin natin ang 2 nd Batch ng Airport Metered Yellow Taxi na kung saan ay may ilang kasapi na ang nagpa-reserve ng slots. Ikinakasa na rin natin ang Partnership sa Lazada Online Shopping para sa delivery ng kanilang sold items sa ibat-ibang mga Lungsod. Nag-apply din tayo ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) gaya ng Grab at Uber. Nakasalang ngayon para sa amendment ng ating By-laws ang 2 negosyo na papasukin ng kooperatiba at ang mga ito ay: (1) Pagpapaupa (Leasing Services) at (2) Dollar Remittance at iba pang uri ng banyagang salapi para sa mga OFWs at Overseas Filipinos sa buong daigdig. Dahil sa natamo nating pag-unlad, umani ang ating kooperatiba ng 2 Natatanging Parangal bilang: (1) 2017 Most Outstanding Medium Scale Cooperative at (2) 2017 Best in Membership Expansion sa buong Lalawigan ng Cavite. Ang ibat-ibang mga serbisyo at produkto ng kooperatiba, kaakibat ng pagtangkilik at pagsuporta ng lahat ng mga kasapi sa TUNAY NA DIWA at KONSEPTO NG KOOPERATIBA na: “Ang mga Kasapi ang mga CUSTOMERS, MAY-ARI, INVESTORS, TAGAPAMAHALA at TAGAPALAGANAP ng Kooperatiba” at ito ang dahilan ng patuloy na pag-unlad at paglago ng ating kooperatiba. Tunay nga, na ang Business Diversification ay susi sa tagumpay ng ating kooperatiba. Mabuhay tayong lahat, to God be the Glory!